2025
BIDA ANG KOMUNIDAD: Ang Masikhay na Salindiwa ng mga Proyektong Pangkomunidad ng NSTP Diliman

Sa layuning palalimin ang diwa ng bolunterismo at serbisyong panlipunan, inilunsad ang SALINDIWA: 1st NSTP UPD Faculty Symposium at ika-walong taon ng Sikhay Lingkod NSTP Volunteerism Fair noong ika-13 ng Oktubre 2025, sa David M. Consunji Theatre, Institute of Civil Engineering (ICE), Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD).
Ibinida sa kauna-unahang symposium ng NSTP Diliman ang mga piling proyektong pangkomunidad mula sa iba’t ibang yunit sa pamamagitan ng mga breakout session at poster exhibit. Nahahati ang mga breakout session sa anim, kung saan tatlo ang pang-umaga gayundin sa hapon na mayroong mga temang:
- Transforming Teaching: Innovative Pedagogical Strategies and Effective NSTP Implementation
- Cultural and Environmental Heritage: Arts, Tourism, and Resilience
- Civic Learning in Action: Strengthening Public Health and Wellbeing
- Sustainable Communities: Infrastructure and Environmental Initiatives
- Program to Partnership: Strengthening NSTP Project Implementation through Collaborative Approaches
- Integrating Art, Technology, and Health in Community Service

Larawang kuha ni Ronnie Bawa, ika-13 ng Oktubre 2025
Kasabay ng Symposium ang taunang pagdaraos ng Sikhay-Lingkod, ang volunteerism fair ng UP Diliman kung saan nagsama-sama ang mga katuwang na organisasyon ng NSTP Diliman tulad ng UP System Ugnayan ng Pahinungod, Ugnayan ng Pahinungod Diliman, CharityPhilippines.Org, Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA), UP Red Cross Youth, at Ardent Paralegal and Business Solutions Inc., na binisita at nilahukan din ng ilang mga estudyante at fakulti sa iba’t ibang kolehiyo/yunit ng unibersidad sa pamamagitan ng mga booth.
Ang Halaga ng Paglinang at Pagpapalalim ng Kamalayan bilang mga Lingkod-Bayan

Larawang kuha ni Ronnie Bawa, ika-13 ng Oktubre 2025
Pinangunahan ni Dr. Rosella M. Torrecampo, pangunahing tagapagpadaloy ng Symposium, ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng pagpapakilala kay Atty. Edgardo Carlo L. Vistan II, Tsanselor ng UP Diliman, upang magbahagi ng pambungad na pananalita sa pamamagitan ng rekorded na video.

Screenshot mula sa rekorded na video ng Opisina ng Bise Tsanselor
Binigyang-diin ni Vistan ang layunin ng NSTP Diliman bilang isang instrumento sa paghubog ng iba’t ibang kasanayang sibiko ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng Civil Welfare Training Service (CWTS) at Literacy Training Service (LTS).
“Nasa mandato rin natin ang hubugin ang kapakanan ng ating mga mag-aaral–mula sa pisikal, moral, espirituwal at intelektuwal hanggang sa paghulma ng kanilang kamalayang pakikipagkapwa na may balangkas ng kagandahan at kabutihang-loob,” dagdag pa ni UP Chancellor Vistan.
Pinasalamatan din ni UP Chancellor Vistan ang patuloy na paglilingkod ng mga kaguruan upang higit na malinang ang “husay, dangal, at malasakit sa serbisyong sibiko at publiko” ng mga kabataang mag-aaral ng UP Diliman, kaugnay ng layunin ng symposium na magbigay ng mas malawak na pagkilala sa mga proyektong pangkomunidad na isinasagawa sa ilalim ng NSTP Diliman.
“Sa bahaginan ng iba’t ibang ideya, nawa’y mas mapalalim pa ang pag-unawa ng ating misyong paglingkuran ang sambayanan na may kaakibat na husay, dangal, kabutihang-loob, at malasakit,” pagtatapos ni UP Chancellor Vistan.
Higit na Pangangailangan sa mga Kabataan

Larawang kuha ni Ronnie Bawa, ika-13 ng Oktubre 2025
Pisikal na dumalo sa sesyong plenaryo si Hon. Angelo A. Jimenez, Pangulo ng UP, upang magbigay ng inspirasyonal na mensahe sa mga kawani, guro, at mag-aaral ng UP Diliman.
Sinimulan ni Hon. Jimenez ang talakayan sa samu’t saring isyung panlipunan sa kasalukuyan tulad ng pagbaha at laganap na korapsyon, at ipinaalala sa mga mag-aaral na tungkulin ng mga kabataang iskolar ng UP Diliman na depensahan ang bansa.
Ibinahagi rin ni Hon. Jimenez ang historikal na konteksto ng Unibersidad ng Pilipinas, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng kasaysayan ng paglilingkod sa bayan at pakikipaglaban para sa kalayaan ng unibersidad, bilang inspirasyon sa pakikiisa ng kabataan sa mga serbisyong panlipunan bilang mga lingkod-bayan.
“There is unity between what you learn and who you are,” pahayag ni Hon. Jimenez.
Mula rito, pinalalim din ni Hon. Jimenez ang dahilan at kabuluhan ng pag-aaral sa UP Diliman.
“I go back to the meaning, my earlier question, why did you set foot at UP? We set foot at UP just for one important rule: To serve our communities, to serve the nation, [and] to serve the world,” mariing paalala ni Hon. Jimenez.
Pagkilala sa mga Kaguruan at Kawani ng NSTP

Larawang kuha ni Ronnie Bawa, ika-13 ng Oktubre 2025
Sinundan ng programa ang pagpapaliwanag sa layunin ng symposium sa pangunguna ni Kat. Prop. Olivia Alma G. Sicam, Direktor ng NSTP.
Ayon kay Dir. Sicam, ang symposium ay nagsisilbing “espasyong bukas para sa palitan ng karanasan, kaalaman, at inspirason sa buong NSTP UP Diliman.”
Dagdag pa ni Dir. Sicam, nagsisilbing behikulo ang symposium upang bigyang-pagkilala ang mga kaguruan ng NSTP na “buong-puso at husay” na ginagampanan ang kanilang tungkulin na magturo at magmulat habang hinaharap ang samu’t saring suliraning kaakibat ng pagiging guro ng UP.
Kasama rin sa mga nagbahagi ang pangunahing tagapagsalita na si Roberto “Ka Dodoy” Ballon, pambansang tagapangulo ng Kapunungan sa Gagmay’ng Mangingisda sa Concepcion (KGMC) at Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA).

Larawang kuha ni Ronnie Bawa, ika-13 ng Oktubre 2025
Tampok sa ibinahagi ni Ballon live sa Zoom online meeting ang kanyang mahahalagang aral sa pagiging lingkod-bayan sa sesyong plenaryo ng NSTP UP Diliman Symposium. Mula sa kanyang karanasan bilang mangingisda, tagapagsulong ng proteksyon ng kalikasan, at Ramon Magsaysay Awardee, ipinaalala niya sa mga guro at kabataan ang papel ng mga ito sa pagtataguyod ng komunidad at kalikasan.
Hindi sapat ang limang pandama; kailangan ang “dagdag na sense”
Ayon kay Ballon, hindi lamang limang pandama ang kailangan sa tunay na serbisyo. Kailangan din umano ang sincerity at common sense upang maunawaan ang tao at makapaglingkod nang may malasakit.
“Dagdagan natin ng sincerity… At siyempre, hindi mawawala ang common sense,” ani Ballon.
Binanggit ni Ballon na hindi lamang pormal na edukasyon ang sukatan ng kakayahang maglingkod. Aniya, “Hindi naman lahat nakukuha mo sa pag-aaral kung gusto mo talagang magserbisyo sa kapwa. Common sense—paano ka makakatulong.”
Hinimok din ni Ballon ang mga mag-aaral at mga volunteer na maglingkod nang mayroong saya, at hindi pinangungunahan ng stress upang higit na maging epektibo at sustenable ang pagiging isang lingkod-bayan. Kaugnay nito ang panawagan ni Ballon laban sa katiwalian alang-alang sa kinabukasan ng kabataan.
“Kung gusto natin magserbisyo nang totoo sa bayan, maging edukado tayo, pero huwag tayong maging magnanakaw,” mariing saad ni Ballon.
Binigyang-pugay rin ni Ballon ang mga guro bilang mga “pangalawang magulang” na nagtuturo ng tunay na kahalagahan ng serbisyo.
Ayon kay Ballon, malaki ang impluwensiya ng guro, sapagkat sila ang humuhubog sa susunod na henerasyon ng mga lider, opisyal, propesyonal, at tagapaglingkod-bayan.
Sa pagtatapos, iniwan ni Ballon ang mariing paalala tungkol sa pangangalaga sa likas-yaman:
“We have to nurture our nature—and venture for a better future,” paalala ni Ballon.
Matapos ang talumpati ni Ballon, nagbahagi rin ng mahahalagang pananaw si Prop. Maria Vanessa Lusung-Oyzon, Bise Tsanselor para sa Gawaing Akademiko, hinggil sa kauna-unahang paglulunsad ng NSTP UPD Faculty Symposium at sa kahalagahan ng NSTP bilang daluyan ng serbisyong panlipunan sa loob at labas ng Pamantasan.

Larawang kuha ni Ronnie Bawa, ika-13 ng Oktubre 2025
Kasunod ng plenaryo, isinagawa ang mga breakout session at poster exhibit na nagpakita ng mga proyektong pangkomunidad, pang-edukasyon, literasi, kasaysayan, at bolunterismo. Samantala, binisita naman ng mga mag-aaral ng UP Diliman ang mga booth ng iba’t ibang organisasyon sa Sikhay Lingkod, na nagtataguyod ng iba’t ibang adbokasiya para sa bolunterismo at aktibong pakikilahok sa mga gawaing pangkomunidad.
Matapos ang mga breakout session sa umaga at hapon, pinangunahan ni Dr. Torrecampo bilang tagapagpadaloy ang “Mga Highlights ng Sesyon” ng Siyentipikong Komite. Isa-isang nagbahagi ng sintesis ng bawat sesyon ang mga tagapagpadaloy na sina Kat. Prop. Arlyn Macapinlac, Kat. Prop. Ma. Brida Lea D. Diola, Kat. Prop. Minerva Rosel, Dr. Josephine Agapito, at Dr. Jose Antonio Bimbao, Senior Lecturer, na sinundan ng pangkalahatang sintesis ni Dr. Torrecampo para sa Symposium.

Larawang kuha ni Ronnie Bawa, ika-13 ng Oktubre 2025
Itinampok din sa dulong bahagi ng programa ang biswal na sintesis mula sa iba’t ibang presentasyon ng Symposium na isinagawa ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Sining Biswal.

Larawang kuha ni Ronnie Bawa, ika-13 ng Oktubre 2025
Mga Natatanging Presentasyon
Sa pagtatapos ng SALINDIWA: 1st NSTP UPD Faculty Symposium, inanunsyo naman ni Dir. Sicam ang mga natatanging presentasyon mula sa anim na breakout session ng SALINDIWA: 1st NSTP UPD Faculty Symposium.
Kabilang sa mga ginawaran ng parangal sina:
Mga Natatanging Presentasyon ng SALINDIWA: 1st NSTP UPD Faculty Symposium
- AM Breakout Session 1: Transforming Teaching: Innovative Pedagogical Strategies and Effective NSTP Implementation, Moderator: Asst. Prof. Arlyn Macapinlac
- Hands-on and Interactive Activities to Supplement Students’ Learning of NSTP Common Modules and LTS Component Modules
- Presenter: Prince Allan B. Pelayo, Lecturer (College of Science)
- Hands-on and Interactive Activities to Supplement Students’ Learning of NSTP Common Modules and LTS Component Modules
- AM Breakout Session 2: Cultural and Environmental Heritage: Arts, Tourism and Resilience, Moderator: Asst. Prof. Ma. Brida Lea D. Diola
- Mapping of Tourism Sites – Quezon City
- Presenter: Asst. Prof. Miriam Salvacion L. Oreta, Assistant Professor (Asian Institute of Tourism)
- Mapping of Tourism Sites – Quezon City
- AM Breakout Session 3: Civic Learning in Action: Strengthening Public Health and Wellbeing, Moderator: Dr. Jose Antonio Bimbao
- Art Beyond Walls: UP CFA Open Art School and the Sta. Maria Municipal Jail Collaboration
- Presenter: Clarissa Marie B. Rodriguez (College of Fine Arts)
- Art Beyond Walls: UP CFA Open Art School and the Sta. Maria Municipal Jail Collaboration
- ChikiThings!: Strengthening Water, Sanitation, and Hygiene (WaSH) Practices among Children Aged 5-10 in Barangay San Jose, Navotas City
- Presenter: Mateo Rafael T. Marquina (College of Public Health, UP Manila)
- PM Session 1: Sustainable Communities: Infrastructure and Environmental Initiatives, Moderator: Dr. Josephine Agapito
- Clean Manila, Blue Bay: Partnering for Sustainable Solid Waste Management through CWTS
- Presenter: Asst. Prof. Noriza T. Sadie
- Clean Manila, Blue Bay: Partnering for Sustainable Solid Waste Management through CWTS
- PM Session 2: Program to Partnership: Strengthening NSTP Project Implementation through Collaborative Approaches, Moderator: Asst. Prof. Minerva Rosel
- Strengthening Literacy Training Service Implementation: Insights and Directions from the UPCED NSTP Experience
- Presenters: Sarah Candelario, Assistant Professor; Katrina Paula Ortega, Assistant Professor, Paulina Regine Miranda, Instructor; Junette Fatima, Instructor (College of Education)
- Strengthening Literacy Training Service Implementation: Insights and Directions from the UPCED NSTP Experience
- PM Session 3: Integrating Art, Technology, and Health in Community Service, Moderator: Dr. Jose Antonio Bimbao
- BUGSAY: A Multisectoral, Student-Initiated Medical Mission for Underserved Coastal Communities in Navotas City
- Aryann Margarette V. Dacquel, Leanne Clarisse M. Losañes, John Louise S. Manuel, Mateo Rafael T. Marquina, Ralph Yzaac A. Mole, and Julia Clarisse R. Santos
- BUGSAY: A Multisectoral, Student-Initiated Medical Mission for Underserved Coastal Communities in Navotas City
Sa pagtatapos ng SALINDIWA: 1st NSTP UPD Faculty Symposium at Sikhay Lingkod Volunteerism Fair, muling naipamalas ang diwa ng bolunterismo, malasakit sa kapwa, at pagpapalalim ng kamalayan sa tungkulin bilang mga lingkod-bayan.
Sa huli, ang sama-samang partisipasyon ng mga guro, kawani, at mag-aaral ang nagpatibay sa pangakong patuloy na pagtuturo, paglilingkod, at pangangalaga sa komunidad, na magsisilbing inspirasyon para sa susunod na henerasyon ng mga iskolar at lider ng bayan. ###
By: Angelica C. Paller